after tonight
Jason 'to. Obvious ba, sa ganda ng sulat ko? Hehehe! Kinakamusta lang kita. Alam ko kasing bukas na ang kasal, bawal magkita ang groom saka ang bride, tama? I can't see you kaya ito, may picture ko na kasama sa letter. Alam ko kasing hindi mo matitiis na hindi ako makita. Yiheee! Sweet 'no? Kiligin ka naman!
Ang tagal kong hinintay 'to. Ang tagal kong pinangarap. Second year high school palang tayo, nung bagong lipat ako sa school niyo. Since day one pa lang, alam kong ikaw na. Kahit na suplada ka sa 'kin. Kung hindi pa kita bentahan ng plates sa Geometry na limang piso isa, hindi mo ko kakaibiganin. Kung hindi pa ako magka-dengue dahil sa pinahuli mo ako ng palaka sa likod ng school para lang may project ka sa Biology, hindi ka maaawa sa akin. Pero umpisa pa lang, mahal na mahal na kita. Ang weird nga pero umpisa pa lang, na-imagine ko na ang araw na 'to. Na ikaw ang babaeng ihaharap ko sa altar ng simbahan. Na makikita kitang masayang naglalakad sa red carpet ng simbahan, napaliligiran ng mga bulaklak, nagniningning at lalong pinagaganda ng isang puting kasuotan. Na ikaw ang babaeng kasama ko sa harapan ng maraming tao, sinasaksihan ang isang sumpaan ng wagas at malinis na pag-iibigan. Na ikaw ang makakasama ko habambuhay, kahit hanggang sa kabilang buhay. Anak ng lamok naman, ang corny!
Pero Tina, salamat dahil kahit papaano hindi ako nabigo. Matutuloy pa rin ang pangarap ko. Bukas, magkakasama tayo sa altar. Ako, ikaw, at si Ricorix. Makikita pa rin kitang naglalakad sa gitna ng simbahan, pero palapit kay Rico, at hindi sa akin. Magiging saksi pa rin ang Diyos, at ang tao, sa isang wagas na sumpaan, pero hindi nating dalawa. At hindi nga lang kita makakasama habambuhay, maliban na lang kung sa 'kin kayo makikitira. Marami akong pangarap para sa atin, pero hindi naman lahat 'yun matutupad.
Pasensya na sa mga panahong sinayang. Tama ka, niloko lang kita, at niloko ko ang sarili ko. Palagi kong sinasabing "Mahal kita..." pero hindi ko naman pinapakita. Hindi ko man lang ipinaglaban. Ni hindi ko man lang sinubukan kahit sabihin sa'yo nang harapan. Niloko ko lang ang sarili ko nang mag-desisyon akong kalimutan ka. Pero hindi ko naman nagawa. Malaking kalokohan ang lahat ng iyon. Humihingi ako ng dispensa sa lahat ng nagawa ko. Pasensya na, praning lang talaga ako.
Mabuti na lang kay Rico ka napunta. Alagaan mo na lang si Ricorix. Mahilig 'yan sa inihaw na tuyo na sinawsaw sa kape. Hindi siya humihilik pero nagsasalita siya sa pagtulog. Hindi 'yan marunong magtali ng necktie. Hindi rin siya naglilinis ng sapatos. Ikaw na bahala sa pasyente ko a. Hehehehe! Kahit ganyan 'yan, mahal ka niyan. At mas napatunayan mo naman 'yun di ba? Hayaan mo, ibinilin ko na rin sa kanya na 12 lang ang score mo palagi sa videoke, walang paltos 'yun. Alam niya na ring 1 pares lang ng stockings mo ang walang tastas, at nakakaubos ka ng 3 kahong pizza. Dahil hindi ka naman marunong magsaing at magluto maliban na lang kung instant pancit canton. Pero mahal ka pa rin daw niya. Shit, bagay nga kayo. Ako, OK lang ako. Kung saan masaya ang best friend ko, at kung saan ka masaya, dun ako. Walang kaso 'yun. Pangako, hindi kayo mawawalan ng best man bukas. At habambuhay.
Itago mo 'yang picture ko a. Ay, namin pala ni Rico. Hehehehe! Para maalala mo na minsan sa buhay mo, dalawang lalaki ang nagmahal sa 'yo. Mas tanga nga lang 'yung isa. Pero maganda naman magsulat. Mas cute pa. Ehem, ehem! Ehem! Pucha hinihika na naman ako. Ehem!
Sorry sa palaging joke time. Pero nung sinabi kong "mahal kita," maniwala ka, totoo 'yun. Iniisip mo mang niloko kita at hindi ka naniwala, pasensya na pero totoo 'yun. Maaaring naloko kita, pero hindi kita biniro. Mahal kita. Salamat.
Bukas, 29th September. 9am. After tonight, makikita mo na ulit ako. At ang groom.
0 ang nakibasa sa assignment ko...
Post a Comment